Emosyonal ang isang fur mom matapos maibalik sa kaniya ang kaniyang aso na mahigit isang buwang nawawala.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Biyernes, mapapanood sa isang video ang muling pagkikita nina Edith Gemal at ang kaniyang alagang si Spotty.

Sinabi ni Gemal na mahigit isang buwan na nang nawawala si Spotty matapos makalabas ng kanilang bahay.

Nawalan na si Gemal ng pag-asa na makikita pa si Spotty, pero sa kabutihang palad, isang netizen ang nag-post online tungkol sa isang aso na natagpuan sa kanilang lugar.

Nakita ang aso ni Gemal dalawang barangay mula sa kanila.

Makalipas ang mga pag-uusap, nagkitang muli si Gemal at ang kaniyang fur baby. —Jamil Santos/LBG, GMA Integrated News