Sinabi ni Philippine National Police (PNP) chief Police General Rodolfo Azurin Jr., na may mga kasamahan siya heneral at koronel na atubili na tumugon sa apela ni Interior Secretary Benhur Abalos na magsumite ng courtesy resignation bilang bahagi ng kampanya laban sa ilegal na droga.
Sa pulong balitaan nitong Huwebes, sinabi ni Azurin na personal na dahilan at tungkol sa kanilang propesyon kaya tutol ang ilang kasamahan niyang opisyal sa pulisya na sumunod sa apela ni Abalos.
“Lumalabas doon puro personal, ‘Personally, hindi ako magsu-submit’, yun yung sinasabi. Because this is their bread and butter, ito yung career nila. Sabi nga nila parang wala kaming ginawa for the last 30 years,” ayon kay Azurin tungkol na sintemyento umano ng ilang opisyal nang magpatawag siya ng command conference sa mga heneral at koronel.
Pero ipinaalala umano ni Azurin na ang buong organisasyon ng pulisya at hindi ang bawat isang opisyal ang nakataya sa usapin na kaugnay sa panawagan ni Abalos.
Sinabi umano ni Azurin sa mga kapuwa opisyal na dapat manguna ang interes ng organisasyon ng kapulisan kaysa sa sarili.
“Laging kong sinasabi the organizational interest should always take precedence over yung individual interests natin because we are members of the armed services,” pahayag niya.
“When we enter[ed] the service, I think we surrender[ed] majority of our rights and that rights include when you are being called upon and you are being challenged, you should respond because the organization nga who is under trial, e parte ka lang ng organisasyon na to. Are you not going to heed the call because of pride?” giit ni Azurin.
Sa kabila nito, sinabi ni Azurin na nagsumite na ng courtesy resignation ang buong command group.
Para kay Azurin, mayroon lang umano na hindi hihigit sa limang mataas na opisyal ang posibleng sangkot sa kalakaran ng ilegal na droga.
Target umano nila na makapagsumite ang lahat ng ng dapat na maghain ng courtesy resignation sa katapusan ng Enero.
Isang five-member committee ang bubuuin para pag-aralan kung tatanggapin o hindi ang pagbibitiw na inihain ng mga opisyal.
Ayon kay Azurin, may 22 pangalan siyang inirekomenda kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na puwedeng pagpilian upang isama sa komite.
“It will always be the President who will select. Actually, we submitted 22 names and it does not limit the President from looking into other possible members ng five-man committee,” sabi ng PNP chief. — FRJ, GMA Integrated News