Nabawi ng isang may-ari ang na-carnap umano niyang motorsiklo matapos niya itong makita online at magpanggap na buyer para makipagtransaksiyon sa suspek na nagbebenta nito sa Quezon City.

Sa ulat ng GMA News Feed, sinabing Nobyembre noong nakaraang taon nang manakaw ang motorsiklo ng biktima, na nasa P80,000 ang halaga kung bibilhin ng brand new.

Pero laking gulat niya nang makita niya itong ibinibenta sa social media sa halagang P20,000.

Matapos matukoy ng may-ari ang kaniyang motor, nagtungo siya sa pulisya, dahilan para magkasa ng entrapment operation ang mga awtoridad.

Nadakip sa Brgy. Balingasa ang lalaking nagbebenta ng motor na kinilalang si BJ Vincent Escote.

Bukod sa nakaw na motorsiklo, nakuha pa sa suspek ang sumpak sa compartment box nito.

Giit ni Escote, isinangla lamang sa kaniya ang motorsiklo ng isang alyas "Michael."

Wala rin siyang alam na nakaw ang motor, at hindi niya rin personal na kakilala ang nagsangla, pero napapayag siya dahil kagigising lamang niya nang dalhin ito sa kaniya.

Ayon sa suspek, isinasangla ito sa kaniya sa halagang P7,000. Dumating ang dalawang buwan na hindi umano tinutubos ang motorsiklo kaya naisipan na niya itong ibenta online.

Pero ayon sa record ng mga pulis, dati nang sangkot sa pagnanakaw ang suspek.

Nahaharap si Escote sa mga panibagong asunto na paglabag sa Anti-Fencing law at illegal possession of firearms and ammunition.

Hindi na nagbigay pa ng pahayag sa media ang may-ari ng motorsiklo. —LBG, GMA Integrated News