Dinakip ang isang Nigerian na miyembro umano ng West African drug syndicate matapos mahulihan ng P5.4 milyong halaga ng samu't saring ilegal na droga sa Pasay City.

Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa Saksi, sinabing hinuli ang lalaki ng mga tauhan ng Regional Drugs Enforcement Unit (RDEU) ng National Capital Region Police Office (NCRPO).

Ayon sa pulisya, tila isang one-stop-shop na ang nangyari dahil iba't ibang klase ng droga ang nakuha mula sa suspek tulad ng shabu, cocaine at ecstasy.

Tumangging magbigay ng pahayag ang Nigerian, na nakakulong na ngayon sa detention facility ng RDEU.

Nahaharap siya sa paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. —LBG, GMA Integrated News