Sugatan ang walong tao sa pag-araro ng multi-purpose vehicle (MPV) sa walong mga sasakyan mula Quezon City hanggang Caloocan City, at naaresto ang driver na umaming nakainom ng alak.
Sa ulat ni Jonathan Andal sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing sumalpok sa isang botika ang isang pulang MPV mag-a-alas nueve ng kagabi sa Camarin Road, North Caloocan.
Sarado na umano ang naturang establisyemento, ngunit naararo pala ng MPV ang apat na motorsiklo at nagkaroon ng mga bali ng buto ang isang mag-asawa, na kabilang sa apat na nadisgrasya ng sasakyan.
Dinala kaagad sa katapat lamang na Caloocan City North Mecidal Center ang mga nasugatan.
Tumakbo umano ang driver matapos ang insidente pero hinabol siya ng mga residente at hindi na pinakawalan at binugbog.
Napag-alamang bago sumalpok sa botika ang pulang MPV ay may nabangga na rin pala umano itong isang asul na AUV sa tapat ng isang subdivisiopn, at bago pa ito ay may mga nabangga narin itong mga sasakyan sa bahagi ng Quezon City.
Ayon kay Police Captain Joel Piñon, chief investigator ng Caloocan Sub-Station 2: "Ang unang pangyayari ay sa Barangay Kaligayahan, [QC] at may na-damage na po siyang tatlong sasakyan doon. At sa pagpupumilit na makatakas ay nakaabot po siya dito sa ating lugar."
Mula Quezon City hanggang Caloocan ay walong sasakyan ang nabangga ng pulang MPV, at walo rin ang sugatan na karamihan ay mga rider at ang kanilang mga angkas, ayon kay Jonathan Andal.
Dagdagpa, may isang bata umanong nasugatan na sakay umano ng AUV na naunang binangga ng MPV.
Nadakip ng mga pulis ang driver na kinilalang si Bryan Tan, 29-anyos. At ang kanyang sinisisi ay ang preno ng kayang sasakayan.
"Nag-wild ang sasakyan... kahit anong tapak ko sa preno ayaw mag-menor ... actually naghanap ako ng posteng pede kong banggain para ihinto ang sasakyan...," pahayag ng driver.
Galing umano siyang Meycauayan, Bulacan at papuntang Litex para sana ibagsak ang karga niyang sako-sakong tela na ginagawang basahan.
Umamin din umano ang driver na nakainom siya ng alak, ayon sa ulat.
Inihanda na ng pulisya ang patong-patong na reklamo laban sa suspek. —LBG, GMA Integrated News