Inirereklamo ng ilang pasahero ang paiba-ibang singil ng mga bus na bumibiyahe sa EDSA Bus carousel. Sa kabila ito ng fare matrix na inilabas ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Sa ulat ni Cedric Castillo sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkules, kabilang ang senior citizen na si Tony Dela Cruz ang nagtaka dahil magkaiba ang pasahe na siningil sa kaniya ng nasakyan niyang mga bus.

Sinubukan din ng GMA Integrate News na bumiyahe at magkaiba rin ang siningil sa kaniya ng mga bus na sinakyan--papunta at pabalik-- gayung pareho rin lang naman ang distansiya.

Ang singil, parehong mas mataas kumpara sa nakasaad sa fare matrix na inilabas ng LTFRB at nakapaskil pa mismo sa EDSA Bus carousel.

Pero giit ng isang bus driver na nakausap ng GMA Integrated News, sinusunod nila ang fare matrix ng LTFRB.

“Ang masabi ko sa bagong pamasahe, lahat ng konduktor naninibago pa sa pamasahe dahil nag-iba eh,” paliwanag ng driver na Ricky Mercado.

Ayon kay LTFRB head technical division Joel Bolano, dapat sundin ng mga bus ang nakasaad sa inilabas nilang fare matrix.

“Ang LTFRB po ay naglagay ng mga tarpaulin dyan sa mga bus stations sa EDSA busway para doon sa matrix ng kanilang pamasahe. Makikita mo yung extension to extension kung magkano ang ang babayaran nila,” anang opisyal.

Hinikayat niya ang mga pasahero na isumbong sa kanila ang mga bus na hindi susunod para maparusahan.

“Ipaabot niyo lang po sa LTFRB sa aming social media account, at sa aming hotline 1342 para ma-address po ng LTFRB at may kaukulang parusa 'yan 'pag may violation sila lalo na sa pamasahe,” dagdag niya.

Inihayag naman ng Department of Transportation (DOTr) na muling magkakaroon ng libreng sakay EDSA Bus Carousel ngayong 2023.

“Kaugnay nito, nagsasagawa na ng plano ang DOTr at ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa muling pagpapatupad ng Service Contracting Program sa bung bansa katuwang ang Local Government Units (LGUs),” ayon sa DOTr.

“Mayroong Php 2.16 Billion na pondo para sa Service Contracting Program sa ilalim ng 2023 GAA-Php 1.285 Billion para sa programmed appropriations at Php 875 Million para naman sa unprogrammed appropriations,” dagdag pa sa pahayag.

“Hopefully, kung makakahabol ng first quarter the better pero kung sakali baka second quarter,” sabi naman ni Bolano. --FRJ, GMA Integrate News