Para makapagsimula sa kampanya laban sa ilegal na droga, umapela si Interior Secretary Benhur Abalos nitong Miyerkules sa lahat ng heneral at full colonels sa Philippine National Police (PNP) na magsumite ng kanilang courtesy resignation. Sakop ng panawagan si PNP chief Police General Rodolfo Azurin Jr.

Sa pulong balitaan, inihayag ni Abalos ang kaniyang pagkabahala na may mga matataas na opisyal sa PNP na sangkot sa ilegal na gawain.

"Ako ay nananawagan sa lahat ng full colonel hanggang sa general, ako ay umaapela na mag-submit ng courtesy resignation. Alam kong mabibigla kayo pero this is the only way to make a fresh start," sabi ng kalihim.

Ayon kay Abalos, tinatayang nasa 300 ang mga heneral at full colonels sa pulisya.

Umaasa siya na susuportahan ng naturang mga opisyal sa pulisya ang kaniyang panawagan.

Sinabi pa ni Abalos na isang five-member committee ang susuri sa resignation ng mga police officer. Hindi tinukoy ng kalihim kung sino ang mga ito, pero hindi raw siya kabilang sa komite.

"This is a very radical move, but we have to do this," ani Abalos.

Wala umanong dapat ikabahala ang mga magsusumite ng courtesy resignation, at magiging kaduda-duda naman umano ang hindi magsusumite ng courtesy resignation.

"Kung wala kang ginagawang masama, mag-file ka. At kung hindi ka magpa-file medyo kuwestyonable," paliwanag niya.

Nang tanungin si Abalos kung bakit hindi na lang kasuhan ang mga sangkot sa ilegal na droga, sinabi ng kalihim na mas mapapadali ang proseso kung magbibitiw na lang ang opisyal.

"We've been doing that for so long. We've been doing that at alam mo naman ang tagal ng proseso ng husgado, ang technicality, ang lahat. Hindi lang tayo pati mga first world country, second world country," paliwanag niya. "Kaya ang sinasabi ko nga sa inyo ito ay shortcut dito. If you want it that way. That's why I am appealing."

Gayunman, tiniyak ni Abalos na patuloy ang ginagawang pagtugis ng mga awtoridad sa mga pulis na sangkot sa ilegal na gawain.

Ayon kay Abalos, magpapatuloy sa kanilang puwesto ang mga heneral at koronel na maghahain ng courtesy resignation hangga't hindi ito tinatanggap o inaaprubahan ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr.

Paliwanag pa niya, ginawa na rin ito noong panahon ni dating Pangulong Fidel V. Ramos pero iba umano ang usapin.

“Ginawa na ito noong 1992, if I'm not mistaken by General, President Ramos. Remember noong nagkaroon ng issue tungkol sa I think it was the uniform, pinag-resign nila,” ani Abalos na alkalde noon ng Mandaluyong.

Susunod ang PNP

Sinabi naman ni PNP Public Information Office chief Police Colonel Redrico Maranan, na susunod ang kapulisan sa apela ni Abalos.

“Kami po sa Pambansang Pulisya ay susunod at tatalima kung anuman po ang desisyon ng ating mga political leaders,” sabi ni Maranan sa mga mamamahayag.

“Sapagkat alam po namin na lahat ng mga desisyon na ito ay para sa ikabubuti ng aming organisasyon at ng ating bansa,” dagdag niya. —FRJ, GMA Integrated News