Arestado sa Baguio City ang isang lalaki na wanted dahil sa kasong carnapping at nagbenta umano ng nakaw na kotse.

Sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing hinainan ng arrest warrant at dinakip ng mga tauhan ng Manila Police District - Special Mayor's Reaction Team (MPD-SMART) ang suspek.

Raket ng lalaki na bumili ng mga sasakyan sa Metro Manila at ibebenta sa Baguio, ayon sa pulisya.

Ibinenta ng suspek ang kotse noong nakaraang taon.

Pero nagkaproblema ang pinagbentahan niya noong mahuli ang driver dahil sa pagmamaneho ng walang suot na seatbelt.

Sa pagberipika ng HPG sa sasakyan, napag-alamang isang "hot car" o nakaw ang sasakyan, na 2012 pa iniulat na nawawala.

Itinuro ng driver ang suspek bilang ang nagbenta sa kaniya ng kotse.

Depensa ng suspek, hindi niya alam na nakaw na kotse ang kaniyang ibinenta.

Tumanggi siyang magbigay ng iba pang pahayag. — Jamil Santos/RSJ, GMA Integrated News