Arestado sa Quezon City ang isa sa mga most wanted ng Antique dahil sa panggagahasa umano sa dalawa niyang anak, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Martes.

Tatlong taon ding nagtago ang 46-anyos na suspek bago siya naaresto sa Payatas Road sa bisa ng warrant of arrest para sa three counts ng qualified rape.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Roldante Sarmiento, hepe ng Payatas Bagong Silangan Police Station, nagtatrabaho bilang truck helper ang suspek.

Ayon sa pulisya, edad 14 and 15 anyos ang magkapatid na biktima nang maganap ang krimen.

"Itong kaso na ito ay nangyari pa noong 2019 sa Antique kung saan ito pong ating suspek ay ginahasa ang kaniyang dalawang anak na menor de edad at siya ay nagtago," ani Sarmiento.

Aminado naman sa krimen ang suspek, na No. 6 Most Wanted Person ng Antique.

"Nagawa ko lang iyon kasi lasing ako," sabi ng suspek.

Dagdag pa niya, para raw pinasukan ng masamang espirito ang ulo niya kaya niya nagawa ang panghahalay. —KBK, GMA Integrated News