Sugatan ang tatlong bata sa Iriga City, Camarines Sur matapos masabugan ng kwitis. Ang paputok, napulot lang daw nila saka sinindihan.
Sa ulat ni Jessica Calinog ng GMA Regional TV Balitang Bicolandia sa “24 Oras” nitong Huwebes, sinabing sugatan ang kamay ng isang 7-anyos na bata at kailangan pang tahini matapos aksidenteng maputukan ng kwitis.
Kuwento ng kanyang ina, nakuha ng bata ang kwitis na nakasabit sa puno ng saging.
Hindi raw ito pumutok nang sinindihan pero nang binaliktad ang kwitis doon na ito sumabog.
Kasama ng naturang bata ang dalawa niyang pinsan nang mangyari ang aksidente.
May sugat sa mata at nasunog pa ang bahagi ng buhok ng kanyang 7-anyos na pinsan. Habang may sugat sa mukha at braso ang kaniyang 9-anyos na isa pang pinsan.
Sa datos ng Department of Health (DOH), umabot sa 188 ang naitalang fireworks-related injuries noong pagsulong sa 2022.
45 sa mga kasong ito, nasugatan raw dahil sa kwitis.
Ayon sa ulat, nagpaalala ang Iriga City Fire Station na gumamit na lang ng pang-paingay imbes na magpaputok.
Kung hindi naman daw maiwasan, tiyakin na aprubado at dumaan sa mga awtoridad ang gagamiting paputok at pailaw, dagdag pa nito.
Bilin naman ng DOH, laging siguraduhin na ligtas ang pagdiriwang ng holiday season hindi lang sa COVID-19 ngunit pati na rin sa mga aksidente na dulot ng mga paputok. —Mel Matthew Doctor/NB, GMA Integrated News