Sa muling paglobo ng mga kaso ng COVID-19 sa China, nanghina at natumba ang isang doktor sa Sichuan province habang sinusuri ang isang pasyente dahil sa labis na pagod.
Sa video ng GMA News Feed, makikita sa isang video na tila halos matumba na ang naturang doktor sa kanyang upuan habang sinusuri ang isang bata.
Sa isang punto, napasandal na siya at napapikit. Ilang sandal siyang nanatili sa ganitong posisyon habang tila naghahabol ng hininga.
Pero nagmulat din siya ng mata kalaunan at naglagay ng record sa kanyang computer.
Ilang sandal pa, tuluyan na siyang nag-collapse sa kanyang upuan.
Naalarma ang mga pasyente at nagpasaklolo. Isang medical personnel ang lumapit habang tumulong na rin ang isang nakasaksi sa pangyayari.
Ilang minuto nilang ginigising ang doktor pero nanatili itong walang malay kaya pinagtulungan nila itong iangat saka siya inalis muna sa kanyang puwesto para hayaang makapagpahinga.
Ayon sa ulat, puno ang mga ospital sa iba’t ibang bahagi ng China dahil sa pagdami ng mga nagpositibo sa virus.
Sabi ng mga eksperto, epekto raw ito ng pagluwag ng restrictions.
Batay sa ilang pag-aaral, posibleng umabot sa mahigit isang milyon ang mamamatay roon kung hindi maaagapan ang mabilis na pagkalat ng COVID.
“WHO (World Health Organization) is supporting China to focus its efforts on vaccinating people at the highest risk across the country, and we continue to offer for clinical care and protecting its health system,” saad ni WHO Director General Edros Adhanom Ghebreyesus.
Sabi ni Mike Ryan, emergencies Director ng WHO, bagaman mataas ang vaccination rate ng China, nahuhuli pa rin sila sa pagbabakuna sa vulnerable sectors gaya sa senior citizens.
Tila hindi rin daw sapat ang efficacy o bisa ng mga bakuna.
“I think in the case of the available Chinese vaccines will likely be three doses of vaccine as a primary course, not two plus booster, and I think we’re talking protective efficacies hovering at 50 percent or less for those two-dose regimes in someone over 60,” giit pa ni Ryan.
Pero sabi ni Maong Ning, Ministry of Foreign Affairs, kampante raw ang China sa kanilang “refined COVID-19 response.”
“China’s COVID-19 policy has provided maximum protection to people’s lives and health, and minimized COVID-19’s impact on socioeconomic development. We have achieved the most effective results at minimum cost,” dagdag pa ni Ning. —Mel Matthew Doctor/NB, GMA Integrated News