Ginulat ang ilang pasahero sa isang airport sa Brazil matapos sumabog ang isang bag habang nasa check-in counter. Ang ugat daw ng pagsabog, ay canisters na ginagamit sa sparkling water machine, na may lamang carbon dioxide (CO2) ang mga lata.
Sa video ng GMA News Feed, makikita sa kuha ng CCTV camera ang pasaherong kalmadong naglalakad at tinutulak ang kanyang luggage.
Paghinto niya para pumila, biglang sumabog ang kanyang bag. Sa lakas nito, nahulog pa ang isang bahagi ng frame na kinakapitan ng ilaw.
Ayon sa ulat, pag-aari ng isang lalaking galing ng Amerika ang bag at pasakay na sana noon connecting flight sa GRU Airport sa Sao Paulo.
Batay sa imbestigasyon, ang ugat ng pagsabog ay canisters na ginagamit sa sparkling water machine, na may lamang carbon dioxide (CO2) ang mga lata.
Ayon sa regulasyon sa Amerika, ipinagbabawal ang pagdadala ng CO2 cartridges na may sa bagahe ng mga sasakay sa eroplano dahil flammable o madaling mag-apoy ang mga ito at posibleng sumabog sa high-altitude pressure sa himpapawid.
Sakali mang may pasaherong magdala ng CO2 canisters, kailangang tiyakin ng airport security na wala itong laman bago pasakayin ng eroplano ang pasahero.
Sa kaso ng sumabog na luggage sa Brazil, nakalusot na sa mga airport ng Dallas, Boston at Chicago ang pasahero.
Iniimbestigahan ang insidente at tinutukoy kung may posibleng mananagot. Wala namang napaulat na nasaktan sa pagsabog ng luggage at hindi ito nakaapekto sa operasyon ng airport. —Mel Matthew Doctor/NB, GMA Integrated News