Tatlo katao ang arestado matapos humarurot sa isang checkpoint sa N.S. Amoranto Street sa Quezon City at mahulihan ng P272,000 halaga ng hinihinalang shabu.
Sa ulat ni James Agustin sa Balitanghali nitong Martes, kinilala ang mga suspek na sina Enrico Solis, driver ng tricycle, at ang mga sakay niyang mag-live-in partner na sina Ricardo Ramos at Pinky Gumaga.
Ayon sa pulisya, walang headlight ang tricycle kaya sinubukan nilang pahintuin ito sa checkpoint. Pero sa halip na tumigil ay humarurot ang tricycle kaya nagkaroon ng habulan.
Nang mahuli, nakuha sa mga salarin ang nasa apat na gramo ng umano'y shabu na nagkakahalaga ng P272,000. Bukod dito, nakuhaan din si Ramos ng baril.
Ayon pa sa pulisya, sinabi ng mga suspek na inaangkat nila ang droga sa katimugan at ihahatid sa Maynila.
Pero depensa ng mga suspek, walang drogang nakuha mula sa kanila.
"Wala akong lisensya, tapos walang gaanong break 'yung [tricycle] ko eh, sa unahan ko walang preno," sabi ni Solis.
"Hindi po sa akin 'yun, parehas po hindi akin 'yun," sabi naman ni Ramos.
Nahaharap ang mga suspek sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act habang may karagdagang reklamo si Ramos na Illegal Possession of Firearms. —Jamil Santos/KBK, GMA Integrated News