Nahaharap sa reklamo ang isang pulis-Maynila matapos siyang maglabas umano ng baril habang sinasaway ang mga nagdiriwang na UST Judo Juniors Team sa Sampaloc, Maynila.
Depensa naman ng pulis, nakaramdam siya ng takot kaya napahawak siya sa kaniyang armas.
Sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Martes, mapapanood ang paglalakad ng anim na miyembro ng team na mga nasa edad 12 hanggang 17 taong gulang sa isang kalye bandang 9:30 ng gabi, matapos maging 6-peat champion sa isang kompetisyon noong Linggo.
Nagtalunan at naghiyawan ang mga bata, suot ang kanilang uniform at mga medalya, kaya sinaway sila ni Police Corporal Marvin Castro.
"Kala namin sa una parang sasabihan lang kami ng congratulations, parang ganun. Parang agresibo kaagad," saad ng isa sa mga miyembro ng team.
Matapos nito, naglabas umano ng posas ang pulis at niyaya ang team na sumakay sa isang police mobile. Nang tumanggi ang mga estudyante, hinawakan na umano ng pulis ang kanyang service firearm.
"Una, hinahawakan niya lang 'yung baril niya. Doon pa lang tinitignan niya. Ang rason daw niya kaya niya binunot ang baril niya kasi tinitignan ko 'yung baril. Alangan kasi hinahawakan niya," anang judo team member.
"Honestly nag-panic po talaga kami no'n kasi hindi talaga namin alam ang gagawin namin. Of course bata kami. Sino ba naman gugustuhin na may maglalabas ng baril sa 'yo," sabi ng isa pang judo team member.
Dito na tinawagan ng mga estudyante ang kanilang coach tungkol sa insidente.
Humingi ng paumanhin si Castro sa mga estudyante at sa kanilang mga magulang at coach nang magkaharap-harap sa barangay hall.
"Sinasaway ko po sila. Ayaw nilang pakinggan. Tapos pinapatigil ko po sila. Ayaw nilang tumigil," saad ni Castro.
"Natakot lang po ako, ma'am. Siyempre hindi po natin maaalis... Kaya nga po humihingi ako ng paumanhin," depensa pa ni Castro.
Nang idulog ng mga magulang ang isyu sa himpilan ng pulisya, sinabi ng isang magulang na hinimok sila na huwag nang ituloy ang reklamo sa diwa ng Pasko.
"Kinausap kami na baka raw puwedeng pa-Christmas na lang daw iyon, na kung puwede raw ayusin na lang, kausapin na lang kasi mabait daw 'yung Castro," saad ng magulang.
"Paano kung may nangyari sa anak namin? Hindi puwedeng pa-Christmas 'yun. 'Yung psychological effect na nangyari sa kanila, takot na sila lumabas, takot na sila pumasok sa school. Hindi pa-Christmas 'yun," dagdag ng magulang.
Iniimbestigahan na ng Manila Police District (MPD) ang insidente.
Ayon kay MPD director Police Brigadier General Andre Dizon, nakaramdaman si Castro ng “imminent danger” sa presensya ng mga estudyante.
"Nu'ng sinita niya na parang susugurin siya. Kaya nabanggit ng ating station commander, napahawak siya sa baril niya 'yung police natin. Naniguro lang siya. 'Yung self-defense ang kanyang ipapairal doon. As long as hindi niya 'yon tinutok, wala po siyang intensyon na barilin po," saad ni Dizon.
Hindi muna mag-iikot sa lugar si Castro habang nagpapatuloy ang imbestigasyon, at kinuha muna ang kanyang service firearm.
Sasailalim naman sa psychological evaluation ang mga mag-aaral ngayong Martes.
Isusumite rin nila ang kanilang mga sinumpaang salaysay kasama ang kanilang mga magulang. —Jamil Santos/KG, GMA Integrated News