Matapos ang walong taon, naaresto sa Maynila ang lalaking nanghipo umano sa kaniyang sariling pamangkin sa Misamis Occidental, ayon sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Martes.
Natunton ng mga pulis ang 40-anyos na suspek sa Manila North Harbor kung saan siya nagtatrabaho bilang pahinante.
"Upon information na na-receive ng intelligence ng Raxabago Police Station na ito ay nagtatago sa Barangay 128 at nagtatrabaho bilang helper sa harbor center ng logistics ng truck, nakipag-ugnayan kami sa Municipal Police Station ng Misamis Occidental at na-validate nga na existing 'yung warrant niya," ani Police Lieutenant Colonel Rosalino Ibay Jr., hepe ng Raxabago Police Station.
Sumuko ang suspek pero itinanggi niyang inabuso niya ang kaniyang pamangkin na menor de edad pa nang maganap ang umano'y krimen. Aniya, inakbayan lang niya ang pamangkin.
Hindi rin daw siya nagtago at hindi rin niya alam na may kaso laban sa kaniya.
Nahaharap ang suspek sa kasong acts of lasciviousness. —KBK, GMA Integrated News