Isiniwalat ng dalawang PDL o persons deprived of liberty, na sinasaksak umano sila ng suspendidong si Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag. Lasing umano ang opisyal nang mangyari ang insidente matapos na makipag-inuman sa iba pang bilangggo sa loob ng piitan.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, iniharap ng BuCor sa mga mamamahayag ang dalawang PDL na mga gang leader na sina Roland Usman at Jonathan Cañete.
Saksak na tagusan umano sa kamay ang tinamo ni Usman, habang sa hita naman ang sugat ni Cañete na may bakas na ngayon na tahi.
Ayon kay BuCor officer-in-charge Gregorio Catapang Jr., matagal nang gustong magsalita ng dalawa at kinausap nila ito kung handa na silang magbigay ng pahayag sa media.
“Ngayon kinausap namin [kung] willing na ba kayo na humarap sa media. Sabi nila, ‘Sir, hindi kami makatulog dahil araw-araw nga nakikita mo ‘yung sugat mo, ganyan, wala naman hustiya,” ayon kay Catapang.
Kasama ang kanilang abogado, sinabi nina Usman at Cañete, na ipinatawag sila ni Bantag sa opisina nito noong Pebrero 1, kasama ang iba pang commander ng gang sa NBP.
Pagpasok nila sa opisina, lasing na raw si Bantag at kainuman nito ang dalawa pang commander ng ibang gang.
Habang may hawak na patalim, isa-isa umano silang nilapitan ni Bantag.
“Noong una pinupunit ‘yung damit ko gamit ng 'kris,' ‘yung mahaba na lagi niyang bitbit. Tapos dito sa dibdib binaon niya kaunti, hindi ko na nakayanan. Ang ginawa ko lang hinawakan ko ang patalim, tinapik ko. Sa galit niya, dito niya sinaksak sa hita ko,” saad ni Cañete.
Si Usman, sinabing biglang hinawakan umano ni Bantag ang kamay niya at ibinaon ang patalim.
“Bigla niya pong hinawakan ang kamay ko, nasabi pa siya sa akin na 'ano, papatayin na kita eh.' Sabay tinusok niya,” dagdag pa niya.
Kinabukasan, isang Zulueta raw ang nagbigay sa kanila ng pera kapalit ng pananahimik sa nangyari sa kanila.
“May binunot si Zulueta na pera. Sobre na may lamang pera. ‘Yun daw ay para sa pananahimik namin. Hindi po kami puwedeng magsalita. ‘Yung sa akin po P50,000,” sambit ni Usman.
Ayon kay Cañete, wala na siyang nagawa kung hindi tanggapin din ang pera dahil sa takot na may masama pang mangyari sa kaniya.
“Kapag hindi ninyo tanggapin ito, mas lalo kayong mamomroblema rito. Parang may kasama pang takutin pa kami. Sabi ko, sir maniwala po kayo sa amin, wala pong lalabas, kasi iniisip namin pamilya namin, palaya na rin ako. Kaya tiniis ko na lang, ‘yung tinaggap ko ang P50,000, tumutulo ang luha ko,” giit pa ni Cañete.
Hindi malinaw kung sino ang tinutukoy nilang Zulueta pero may opisyal si Bantag sa BuCor na si Jail Officer Ricardo Zulueta.
Pinag-aaralan umano ng dalawang PDL na ituloy ang pagsasampa ng kaso laban kay Bantag, na nahaharap na rin sa reklamong pagpatay sa komentaristang si Percival Mabasa, o Percy Lapid, at sa PDL na sinasabing middleman sa pagpatay kay Lapid na si Cristito Palaña, o Jun Villamor.
Inihayag naman ni Catapang na handa silang tulungan ang dalawang PDL, at ilalapit ang mga kaso nito sa Commission on Human Rights.
Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na makuha ang pahayag ni Bantag kaugnay sa bagong alegasyon laban sa kaniya. --Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News