Pinatalsik sa impeachment trial ng Kongreso ng Peru ang kanilang presidente na si Pedro Castillo. Kasunod nito, iniluklok bilang bagong lider ng bansa ang kanilang babaeng bise presidente na si Dina Boluarte.
Sa ulat ng Reuters, sinabing naharap sa constitutional crisis ang Peru nang tangkain ni Castillo na buwagin ang Kongreso sa pamamagitan ng kautusan.
Pero bago pa ito mangyari, nagbotohan ang mga mambabatas upang patalsikin si Castillo. Pumabor ang 101 na mambabatas na palitan si Castillo, anim ang tumutol, at 10 ang hindi bumoto.
Umani ng malakas na sigawan ng suporta ang desisyon, at ipinatawag si VP Boluarte upang pumalit sa puwesto ni Catillo.
Nag-post sa Twitter ang pulisya ng Peru ng larawan na makikita si Castillo makaraan lumabas ang pasya ng Kongreso na alisin siya sa puwesto.
Hindi pa malinaw kung nakadetine ang tinawag na "dating presidente."
Bago nito, binalak ni Castillo na buwagin ang Kongreso upang magpatawag ng bagong halalan.
Pero nasundan ito ng pagbibitiw ng kaniyang mga opisyal, at umugong ang bantang kudeta ng oposisyon at mga kaalyado.
Nagbabala rin kay Castillo ang pulisya at militar na labag sa Konstitusyon ang binabalak nitong paglusaw sa kanilang Kongreso.
Noong nakaraang linggo, ipinatawag ng Kongreso si Castillo upang pasagutin sa alegasyon ng "moral incapacity to govern."
Noong nakaraang Oktubre, naghain ng reklamo ang prosecutor's sa paglabag umano ni Castillo sa kanilang saligang batas dahil sa umano'y pangunguna sa isang "criminal organization" para kumita sa mga kontrata sa gobyerno, at pagharang sa mga imbestigasyon.
Pinabulaanan ni Castillo ang mga paratang, na tinawag niyang paninira umano ng mga grupo na nais samantalahin ang sitwasyon at agawin ang kapangyarihan "that the people took from them at the polls."
Mula nang maupo sa puwesto noong July 2021, dalawang beses nang tinangkang ipa-impeach si Castillo.
Binatikos ng embahador ang US ang plano ni Castillo na buwagin ang Kongreso.
"The United States categorically rejects any extra-constitutional act by President Castillo to prevent Congress from fulfilling its mandate," sabi ni US ambassador to Peru, Lisa Kenna sa Twitter post.
Gaya ni Castillo, binuwag din ni dating Pres. Martin Vizcarra ang kanilang Kongreso, pero na-impeach din noong 2020.-- Reuters/FRJ, GMA Integrated News