Nabisto ng mga pulis ang isang traffic enforcer ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na nangongotong umano sa mga driver ng truck sa Quezon City.
Ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes, hindi pa naka-duty ang traffic enforcer na si Raul Lapore nang mangyari ang umano'y pangongotong. Bukod dito, wala rin umanong mission order si Lapore sa Commonwealth Avenue.
"Tinanong niya po ako bakit wala raw ako sa truck lane. Nagpaliwanag ako na mababa ang kahoy sa center island, abot 'yung karga ko," ani Crislie Rife, ang driver ng truck na sinita ni Lapore.
Para hindi matiketan, nakiusap daw si Rife na "maglagay" na lang.
"Binigyan ko po ng P300," aniya.
Ayon pa sa driver, tinanggap ni Lapore ang pera.
Ayon naman sa pulisya, bago pa ang insidente ay nakatanggap na sila ng reklamo mula sa isang truck driver na nakotongan umano. Ito raw ang dahilan kaya inikutan nila ang lugar.
"Natiyempuhan siya na pinapara niya 'yung isang truck na naman," ani Police Lieutenant Anthony Dacquel, hepe ng criminal investigation section.
Nang dalhin sa police station si Lapore, napansin ng mga otoridad na may takip na bubblegum ang body number ng gamit niyang motorsiklo.
"Diskarte 'yan para hindi sila matandaan. If even na magreklamo 'yung biktima nila, hindi agad sila mapi-pinpoint," sabi ni Dacquel.
Dalawampu't limang taon na raw na traffic enforcer si Lapore. Bagama't 5 a.m. pa ang duty niya, inagahan daw niya ang biyahe dahil dadaan pa siya sa ospital kung saan naka-confine ang anak niya.
Itinanggi rin ni Lapore na nangotong siya bagama't inamin niyang sinita niya ang truck driver.
"Hindi po totoong nagbigay siya ng pera. Wala akong perang tinanggap," aniya.
Mahaharap si Lapore sa reklamong robbery extortion.
Samantala, galit namang hinarap ni MMDA Task Force Special Operations chief Bong Nebrija si Lapore. Aniya, magdadalawang-buwan pa lang naka-assign sa unit nila sa Lapore pero nasa opisina lang daw ito at hindi sumasama sa mga operasyon. —KBK, GMA Integrated News