Dinakip ang isang babaeng empleyado ng travel agency sa Project 2, Quezon City, matapos siyang ireklamo ng estafa ng 200 customer na nag-book ngunit hindi nakabiyahe.

Sa ulat ni James Agustin sa “Unang Balita” nitong Martes, sinabi ng isa sa mga nabiktima na nagpa-book siya ng travel and tour packages, pero hindi natuloy ang kaniyang biyahe.

Dumulog naman sa Quezon City Police District Station 9 ang iba pa ang nagreklamo laban sa 33-anyos na suspek, na dalawang taon pa lang empleyado ng travel agency.

Inaresto ang babae sa bisa ng warrant of arrest sa kasong estafa in relation to Cybercrime Prevention Act, na inisyu ng Tuguegarao City Regional Trial Court Branch 10.

"Siyempre nasasaktan ako, wala naman akong kasalanan regarding diyan, nagkaroon lang talaga ng problema," depensa ng suspek.

Gayunman, hindi binanggit ng suspek ang naging problema. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News