Patay ang isang babae matapos siyang hiwain ng dalawang salarin para nakawin ang kaniyang hindi naisilang na sanggol sa Coatzacoalcos, Mexico.
Sa ulat ng Agence France-Presse, sinabing nadakip ang mga suspek na dala-dala pa ang sanggol, ayon sa pahayag ng attorney general's office ng Veracruz.
Humarap ang mga suspek, na isang lalaki at isang babae, sa isang hukom nitong Lunes matapos akusahan ng kidnapping at femicide.
Hiniwa nila umano ang biktima para kunin ang fetus dahil hindi magkaanak ang babaeng suspek, saad sa AFP ng isang opisyal na may kaugnayan sa imbestigasyon na hiniling na huwag mapangalanan.
Humantong sa kaniyang kamatayan ang biktima matapos siyang pangakuan sa social media ng mga damit kapalit ng kaniyang sanggol, ayon naman sa kaniyang mga kaanak.
Sinabi ng lokal na media na ito na ang ikatlong kaso sa mga nagdaang taon ng panghihiwa sa isang babae para nakawin ang kaniyang sanggol.
Higit sa 3,700 mga kababaihan ang pinaslang sa Mexico nitong 2021, kung saan 1,000 ay mga kaso ng femicide. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News