Hinoldap ng security guard ang isang botika sa kanto ng Banawe Street at E. Rodriguez Sr. Avenue sa Quezon City nitong Martes ng umaga, ayon sa Quezon City Police District (QCPD).

Sa ulat ni Allan Gatus sa Dobol B TV, kinilala ni QCPD director Police Brigadier General Nicolas Torre III ang suspek na si  Eric Mercado na panggabing bantay umano sa botika.

“Mga 7 o'clock kaninang umaga naka-receive tayo ng report na nilooban itong [botika] at ang holdaper supposedly ay ikinulong ang dalawang empleyado na magbubukas ng branch na ito,” sabi ni Torres.

Dagdag pa ni Torres, pinutol ng suspek ang suplay ng kuryente sa botika at inabangan ang pagdating ng dalawang empleyado.

Tinangay ng suspek — na isang buwan pa lang daw na nagtatrabaho sa botika — ang hindi pa natutukoy na halaga ng pera, ayon sa ulat.

Sa simula ng kaniyang shift, nagpaalam daw ang suspek na umuwi nang maaga pero sinabihan siya na hintayin na lamang ang kaniyang karelyebo. Namatayan daw ito ng asawa kamakailan.

Sa panayam ng Super Radyo dzBB, sinabi ni Torres na pinuntahan ng mga pulis ang bahay ni Mercado ngunit wala na ang suspek doon. Narekober doon ang mga supot ng barya.

“Portion ng nanakaw ng pera ang nabawi natin. Actually 'yun 'yung mga bags of coins, 'yung panukli nila,” sabi ni Torres.

“Ganun din naman ang bahay niya kanina, nalaman namin. Napuntahan agad natin within an hour alam na kaagad namin kaya ang mga ebidensya, ang mga perang iniwan niya ay narekober agad,” dagdag niya.

Ayon kay Torres, hindi pa nasabi ng botika ang kabubuang halaga ng nanakaw na salapi sa kanila.—Joviland Rita/KBK/AOL, GMA Integrated News