Isa ang patay at dalawa ang sugatan sa rambulan ng dalawang grupo sa Quezon City na nag-ugat umano sa pambu-bully.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing karamihan sa mga sangkot sa gulo ay mga menor de edad.
Ayon sa ulat, nangyari ang rambulan sa Barangay Santo Cristo, QC.
Naisugod pa umano sa ospital ang biktimang 18-anyos, pero binawian din ng buhay.
Samanatala, kapwa sugatan sa pananaksak ang kapatid na 16-anyos ng biktimang namatay, at ang 20-anyos na pinsan.
Inimbitahan sa istasyon ng pulis ang apat na persons-of-interest, na lahat mga menor de edad.
Ang isa sa kanila ay 14-anyos na babae, at ang kanyang pinsan ay 15-anyos, habang 17-anyos ang dalawa pang iba.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, sinabing kakausapin lang sana ng pinsan ng 14-anyos na babae ang kasamahan ng mga biktima.
Pero bigla na lang daw umatake at nambugbog ang mga biktimang nasaksak.
Ang pinag-ugatan ng gulo ay ilang beses na raw na binu-bully ng kasamahan ng mga biktima ang 14-anyos na babae.
Hindi pa tukoy kung sino ang sumaksak sa mga biktima at hindi pa nabawi ang patalim na ginamit.
Nagpapagaling pa sa ospital ang dalawang sugatan, ayon sa ulat.
Patuloy ang imbestigasyon sa krimen. —LBG, GMA Integrated News