Naaresto ng mga awtoridad ang dalawang sangkot umano sa pagdukot sa mga inalok umano nila ng mga nagsanla ng lupa sa Cavite, ayon sa ulat sa "24 Oras" nitong Martes.
Ayon sa Quezon City Police District, bukod sa suspek na si Jose Pantungan Rhea, naaresto rin sa isang follow-up operation sa Cavite ang pinsan nito na si Mateo Ramos.
Si Rhea ang kinuyog ng mga biktima kahapon sa EDSA-Balintawak.
Ayon sa ulat, si Ramos ang tinuturong caretaker ng sinasangla umanong lupa. Ngunit itinanggi niya na may alam siya sa krimen.
Itinanggi rin ni Rhea na sangkot siya sa krimen at sinabing makikisabay lang dapat siya pinsan para makauwi sa Pangasinan.
Mahaharap ang dalawang suspek sa patong-patong na reklamo.
Dalawa pa ang tinutugis na suspek ng pulisya habang tinukoy naman mastermind ang isang nagngangalang Julian Panimbatan Jr.
Si Paningbatan ay isa raw dating miyembro ng Philippine Navy na nakakulong Camp Bagong Diwa dahil sa kasong murder.
Nakikipag-ugnayan na ang QCPD sa Bureau of Jail Management and Penology kaugnay kay Panimbatan na may-ari raw ng lupa. —Mel Matthew Doctor/NB, GMA Integrated News