Nanawagan ng tulong kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang isang grupo ng mga mangingisda dahil sa nararanasan umano nilang panggigipit sa mula sa mga Chinese sa Scarborough Shoal.
Sa ulat ni Jonathan Andal sa “Unang Balita” nitong Huwebes, sinabing nagpapasaklolo ang mga mangingisda kay Marcos dahil nawawalan na sila ng hanapbuhay.
Nagdaos ng programa sa Boy Scout Circle sa Quezon City ang Samahang Nagkakaisang Mangingisda laban sa nararanasan nilang gutom at pananakop.
Kasama nila ang limang mangingisda mula sa Masinloc, Zambales.
Ayon sa kanilang convenor na si Ron Delos Angeles, nalulugi na raw ang mga mangingisda sa Masinloc dahil bukod sa mataas na presyo ng gasolina, kaunti rin ang kanilang nahuhuling isda.
Sinabi ng mangingisdang si Tatay Robin, hinaharang daw sila ng mga barko ng China para hindi makapasok sa Scarborough Shoal.
Binanggit din nila na ang pinakahuling insidente ay nito lamang nakaraang buwan.
Nakiisa rin sa programa ang 20 mangingisda mula naman sa Navotas City.
Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na kunin pahayag ng Chinese Embassy kaugnay sa hinaing ng mga mangingisda.
Samantala, nag-caravan naman ang grupo papunta sa Liwasang Bonifacio sa Maynila para magdaos din ng maikling programa. --Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News