Nalunod ang isang 6-taong-gulang na batang babae matapos siyang tangayin ng rumaragasang tubig-baha sa Iloilo.

Ang pagbaha sa siyam na barangay sa bayan ng Leon ay dulot umano ng localized thunderstorms at Inter Tropical Convergence Zone (ITCZ).

Sa ulat ni Zen Quilantang ng GMA Regional TV One Western Visayas sa “24 Oras,” tumatawid sa ilog ang biktima kasama ang kaniyang tatlong kaibigan sa bayan ng Tigbauan noong Lunes ng hapon nang siya ay tangayin ng agos ng tubig-baha.

Kinabukasan, nakita ang katawan ng bata sa baybayin ng Barangay Namokon.

"Pagpunta ng pamilya kasama ang Leon PNP, nagconfirm ang lola na same ang natagpuang bata,” pahayag ni Tigbauan Police chief Police Lieutenant Mary Jean Panes.

Samantala, napilitang lumikas ang mga residente ng Leon dahil sa pagbaha.

Nasira rin ng tubig-baha ang mga riprap, pananim at nagdulot ng landslide sa bayan.

Ayon sa PAGASA, ang walang tigil na pag-ulan sa bayan ay dulot ng localized thunderstorms at ng ITCZ.

Pinayuhan ang mga residente na mag-ingat lalo na sa mga lugar na nakatira sa landslide at flood prone areas.—Mel Matthew Doctor/LDF, GMA Integrated News