Natunton ng mga awtoridad ang isang lalaking holdaper matapos niyang maiwan sa nilooban niyang bakeshop ang kaniyang pouch na naglalaman ng kaniyang mga ID sa Valenzuela City.
Sa kuha ng Valenzuela Police, na mapapanood sa GMA News Feed, makikita ang pagpasok ng holdaper sa bakeshop, na nag-iisang customer lang noong mga oras na iyon.
Pagkakuha ng tinapay, dumiretso ang lalaki sa counter at dito na niya pinagbantaan ang kahera gamit ang kutsilyo.
Hiningi ng suspek ang mga susi ng kaha, at kinuha ang cash box saka tumakas.
Pero hindi namalayan ng kawatan na naiwan niya sa loob ng bakeshop ang pouch niya na naglalaman ng kaniyang mga ID.
Dahil dito, inaresto ng pulisya ang suspek sa kaniya mismong bahay.
Ayon pa sa pulisya, napansin ng mga saksi ang pagtakbo ng lalaki kaya may mga humabol sa kaniya.
"Sa taranta po niya [suspek], hinagis niya iyong kutsilyo at cash box kaya tinigilan na siya ng mga humahabol sa kaniya," sabi ng Valenzuela City Police.
Nabawi ang ninakaw na cash box na hindi raw nabuksan ng suspek. Pero sinabi ng kahera na bawas na ng P3,500 ang laman nito.
Tumangging magbigay ng pahayag sa harap ng camera ang suspek.
Paliwanag ng suspek, kailangan niya ng pera dahil kasisimula pa lang niya sa trabaho bilang call center agent at hindi pa siya sumusuweldo.
Due date na rin daw ang kanilang upa sa bahay at iba pang bayarin.
Kakasuhan ang lalaki ng robbery with threat and intimidation.--Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News