Nadiskubre ang hinuhukay na tila lagusan sa loob ng New Bilibid Prison (NBP). Sinimulan daw ang paghuhukay anim na buwan ang nakalilipas sa panahon ng sinuspending Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing kabilang ang naturang hinuhukay sa mga ipinaiimbestigahan ni BuCor officer-in-charge Gregorio Catapang, na siyang pumalit kay Bantag.
Ayon kay Catapang, humingi siya ng tulong sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) kaugnay sa hinuhukay dahil ang naturang kagawaran ang eksperto sa naturang usapin.
Sinabi umano ng DENR na maituturing ilegal ang naturang paghuhukay.
Ayon sa ulat, nasa 300 metro ang lapad ng hukay na tila tunnel palayo sa pader ng kulungan ang direksiyon.
Dumaan pa raw ang hukay sa ilalim ng pool ng Bilibid kaya hindi na magamit ang naturang paliguan.
Malapit din daw ang hukay sa Directors quarters.
Kinausap na umano ni Catapang ang operator ng backhoe na siya raw nagdala ng heavy equipment sa Bilibid. Gayunman, pinalis na raw ang naturang tao at iba na ang nag-o-operate ng backhoe mula noon.
Sa hiwalay na ulat, sinabing patungo ang hukay sa isang ilog.
Sinusubukan pang kunin ang pahayag ni Bantag tungkol sa naturang hukay.--FRJ, GMA Integrated News