Nakitang patay sa kaniyang bahay sa Seoul ang isang South Korean police official na kasamang iniimbestigahan kaugnay sa malagim na nangyaring Halloween crush na 156 katao ang nasawi.
Sa ulat ng Reuters, sinabing tinukoy lang ang nasawing opisyal sa apelidong Jeong, at namamahala sa intelligence affairs sa Yongsan Police Station, na nakasasakop Itaewon, kung saan naganap ang Halloween crush noong Oktubre 29.
WATCH: Paano makaliligtas sa 'crowd crush' tulad ng nangyari sa South Korea?
Umabot sa 156 katao ang nasawi, at 198 ang nasaktan nang magsiksikan sa eskinita ang mga dumalo sa naturang Halloween festivities, na muling ginawa makaraan ang COVID-19 pandemic.
Batay sa pahayag ng isang police official sa Yonhap na hindi binanggit ang pangalan, nakita umano si Jeong, 55-anyos, ng kaniyang mga kaanak na wala nang buhay sa kanilang bahay.
Wala nang ibang detalye na ibinigay kung papaano nasawi ang opisyal.
Ayon sa Reuters, sinubukan nilang tawagan ang Yongsan police station pero walang sumasagot.
Inaakusahan umano si Jeong, na binura niya ang intelligence reports na nagsasaad tungkol sa babala sa seryosong aksidente na mangyayari. Lumabas ito nang simulan na ang imbestigasyon sa nangyaring Halloween crush.
Sa isang sesyon nitong Lunes, binatikos ng mga mambabatas ang hinihinala nilang pag-alis ng mga dokumento, at nanawagan na arestuhin at parusahan ang mga sangkot.
Sinabi ni National Police Commissioner General Yoon Hee-keun sa mga mambabatas na iimbestigahan nila ang intelligence chief ng Yongsan station ang nag-utos na burahin ang mga record.
Nahaharap sa matinding puna ng publiko ang pulisya dahil sa naging pagtugon nila sa trahediya. Napag-alaman na bago ang malagim na insidente, marami ang tumawag sa pulisya at nagbibigay ng babala sa peligrong posibleng mangyari sa pinangyarihan ng Halloween crush dahil sa dami ng tao na dumalo.--Reuters/FRJ, GMA Integrated News