Tinuluyan nina De La Salle-College of Saint Benilde players Jimboy Pasturan at Taine Davis ang pagsasampa ng reklamong physical injuries laban kay John Amores ng Jose Rizal University.

Isinampa nina Pasturan at Davis ang reklamo laban kay Amores nitong Biyernes sa San Juan Prosecutor's Office.

Nangyari ang pagsuntok ni Amores kina Pasturan at Davis, nang sumugod ang una sa bench ng Saint Benilde, sa last quarter ng kanilang laban noong Martes.

Lamang ang Benilde sa iskor na 71-51, at 3:22 na lang ang nalalabi sa laro nang mangyari ang kaguluhan.

Nagsilbing testigo sa reklamo si Benilde coach Charles Tiu. Aniya, handa na kaniyang team na mag-move on sa nangyaring insidente at idadaan nila sa tamang hakbang ang lahat.

"For us, it's just really an unfortunate incident that we felt really could have been avoided if they were able to keep emotions a little bit in check. We felt it's a game won for us," sabi ni Tiu.

"Tapos na sana and none of this should have happened, and we have guys punched. I guess that's part of life, part of basketball, and I'm just thankful that none other guys got hurt right now," patuloy niya.

Sa kabila ng mga pangyayari, sinabi ni Tiu na hinikayat niya ang kaniyang team na matutong magpatawad.

"But we're still gonna take the right actions that need to be done," giit niya.--FRJ, GMA Integrated News