Natangay umano ng mga kawatan ang mahigit P1 milyong halaga ng pera at mga alahas mula sa isang bahay sa Parañaque, City.
Sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkules, sinabi na sa tulong ng CCTV natunton at naaresto ang mga suspek.
Iniulat ni Nico Waje na P700,000 na cash at aabot sa P400,000 na kabuuhang halaga ng mga alahas ang nalimas ng mga magnanakaw mula sa bahay ng mga biktima noong Martes ng madaling-araw.
Hindi kita sa CCTV ang mismong pagnanakaw ng mga suspek, pero kitang-kita ang paglabas nila sa compound pagkatapos umano magnakaw.
Kitang-kita din sa video na nakapamulsa ang isang lalaki at halatang may nakaumbok sa kanyang bulsa.
Ang isa pang suspek, makikitang hawak din ang kanyang salawal at kumaway pa sa CCTV.
Tumangging magbigay ng pahayag ang pamilya ng biktima. Pero sa kwento nila ayon sa mga pulis, alas-dos ng madaling-araw puwersahang pumasok sa kanila ang umano'y dalawang akyat-bahay.
Sinira daw ng mga magnanakaw ang dinding at kisame ng bahay upang makapasok.
Posible daw na matagal nang tinitiktikan ng mga suspek ang bahay dahil tiyempo na may malaking cash na nakatago doon.
"Kwento ng pamilya, pambabayad nila ang pera sa parang pinapatayo nilang bahay," pahayag ni Police Maj. Edwin Lacostales ng investigation division ng Parañaque Police.
Nagsagawa ng follow-up operation ang mga police, at sa tulong ng CCTV at mga residente sa komunidad agad na nahuli ang dalawang lalaki na nakita sa CCTV noong oras ng pagnanakaw.
Kasama rin sa mga naaresto ang dalawa pang kasabwat ng mga kawatan, na kapwa itinanggi ang pagnanakaw.
Ayon Parañaque Police, nasa P300,000 pa lamang ang naibabalik sa mga biktima. Inaalam pa kung saan dinala ng mga suspek ang mga alahas. —LBG, GMA Integrated News