Arestado ang isang lalaki na hinihinalang pusher at holdaper matapos ikasa ang isang buy-bust operation sa Quezon City. Ang ama ng suspek, huli rin dahil naman sa kasong homicide.
Sa ulat ni James Agustin sa “Unang Balita” nitong Martes, kinilala ang suspek na si Joseph Sedon, na nahuli sa ikinasang buy-bust operation sa Barangay Pasong Tamo ng nasabing lungsod.
Nakatanggap ng impormasyon ang pulisya na nagbebenta si Sedon ng baril sa halagang P5,000.
Nakuha mula sa suspek ang isang kalibre .45 na kargado ng mga bala.
Sinabi ng pulisya na posibleng nagagamit ang baril sa iba't ibang krimen, tulad ng pangho-holdup o pagpaslang sa mga kalaban nila o hindi nakapagre-remit sa kanila.
Samantala, nahuli rin ang ama ni Sedon na si Dionisio Sedon, na may warrant of arrest naman sa kasong pagpatay sa Samar noong 2017.
Depensa ng nakatatandang Sedon, hindi niya alam na may arrest warrant laban sa kaniya. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News