Kalaboso ang isang ginang sa Taguig matapos umanong ibugaw ang sariling mga anak online, ayon sa ulat ni John Consulta sa Saksi nitong Martes.
Naaresto si "April" sa isinagawang raid sa kaniyang bahay ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) Anti-Human Trafficking Division kasama ang mga tauhan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sinagip naman ang tatlong anak ni April — dalawang babae na edad 18 at 16 taon at isang lalaki na edad 7.
Ayon sa NBI, sa dating sites pumapasok ang suspek para ilako ang kaniyang mga anak sa mga dayuhan.
Depensa ng suspek, nagawa niya lang iyon para may pantustos sa pang-araw-araw nilang pangangailangan at pag-aaral ng mga bata.
"Ginawa ko man pero labag sa kalooban ko," sabi ni April.
Magsasagawa ng forensic examination sa drives ng suspek para matukoy ang mga dayuhan niyang parokyano.
Ayon kay Atty. Gertrude Paris Manandeg, deputy spokesperson ng NBI, mahaharap si April sa mga kasong online child exploitation at child abuse.
Sumasailalim na sa counselling at social intervention ang mga batang nasagip sa operasyon. —KBK, GMA News