Sinabi ni dating Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion na walang dahilan para hindi matanggap sa trabaho ang mga kuwalipikadong K-12 graduates sa pribadong sektor. Pero ibang usapan naman kung hindi naman ito kuwalipikado.
“If they qualify for the job, I’m sure the private sector will hire them,” sabi ni Concepcion sa state-run PTV’s public briefing nitong Biyernes.
Pero ibang usapan naman kung hindi kuwalipikado ang K-12 graduates, at hindi dapat obligahin ang employer na tanggapin ito.
“We cannot mandate the private sector to hire K-12 if they are unqualified,” saad niya.
Kamakailan lang, umapela si Education Secretary at Vice President Sara Duterte, sa business community na bigyan ng prayoridad ang pagkuha ng K-12 graduates upang makahanap ang mga ito ng trabaho.
Pinuna niya ang “diploma mentality” sa bansa, patungkol sa mga aplikante na may natapos na apat na taong kurso sa kolehiyo.
Ayon kay Concepcion, dapat ipaubaya at respetuhin sa pribadong sektor na siyang may huling desisyon sa pagtanggap ng taong tatanggapin sa trabaho.
Una nang sinabi ni Philippine Chamber of Commerce and Industry president George Barcelon, na dapat repasuhin ang K-12 system at ikonsidera ang mabilis na paglago sa industriya ng teknolohiya.
“In the same breath, our teachers must be re-trained to keep pace with technological developments. Children now need connectivity to the internet; they need computers and modern educational tools so that they can participate fully in this digital world we now live in,” paliwanag ni Barcelon.
“It gives us comfort that no less than you, Vice President Sara, have taken the education portfolio. This gives us the assurance that reforms in the education sector will be implemented with urgency,” dagdag pa niya. — FRJ, GMA News