Ilang gusali kabilang na ang paaralan, ospital at museo ang napinsala matapos maramdaman din sa Ilocos Norte ang malakas na lindol. Ang isang nakaparadang sasakyan, tila niyugyog.
Nitong Martes ng gabi nang tumama ang magnitude 6.4 lindol sa iba’t ibang parte ng Hilagang Luzon, at naitala sa Lagayan, Abra ang epicenter ng pagyanig.
Ayon sa ulat ni Joan Ponsoy sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkules, sinabing nagkaroon ng bitak ang ilang gusali at classrooms ng Mariano Marcos State University (MMSU) sa Batac City, Ilocos Norte dahil sa pagyanig.
Bumigay naman ang kisame ng Center for Flexible Learning ng unibersidad at idineklara itong unsafe matapos ang structure inspection.
“‘Yung mga silid-aralan namin ay good for occupancy. In fact, I'm in the middle of repairing the memo that offices and classrooms are safe for occupancy except for the co-ed store and the center for flexible learning,” sabi ni MMSU President Dr. Shirly Agrupis.
Bukod sa eskwelahan, nasira din ang photo gallery ng Ferdinand Edralin Marcos Museum.
Pansamantala namang inilipat ang mga pasyente ng Mariano Marcos Memorial Hospital and Medical Center na nakitaan din ng bitak ngunit agad din silang pinabalik.
“Iyong mga pasyente, bumalik kaninang madaling araw, 2 o’clock, nakabalik na sila. Si Fire Marshal, siya [ang] pumasok din doon nakita niya na safe ‘yung ibang structures,” sabi ni Batac City DRRM Officer Arvin Francis Lumang.
Dalawang four to five-storey buildings din ang nakitaan ng bitak sa lungsod. Kinordonan na ang lugar at hindi na muna pinapapasok ang mga empleyado at borders sa gusali.
“Initial assement , nag-crack ‘yung hagdang ng building. [Idinlekara ng BFP na unsafe,” dagdag ni Lumang.
May nakita ring cracks sa apat na bahay, spin way project, community centers, barangay hall at covered court.
Samantala, isang residente ang nagkaroon ng minor injury dahil sa lindol, ayon sa ulat. Suspendido rin ang trabaho at klase sa lahat ng antas sa lungsod.
Sa bayan ng Marcos, naitala rin ang bitak sa ilang gusali katulad ng munisipyo at police station. -- Sundy Mae Locus/FRJ, GMA News