Gumamit ng mahabang hagdan o aerial ladder ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) upang masagip ang mga tao na na-trap sa nasusunog na gusali sa Quezon City.
Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkules, sinabing 10:00 am kanina nang sumiklab ang apoy sa isang gusali sa Scout Tuazon cor. Scout Rallos.
Nasa-first alarm lamang ang nasabing sunog ngunit na-trap ang ilang empleyado sa gusali na mula sa ika-walong palapag ng establisimyento dahil sa makapal na usok mula sa isang restaurant na nasa ground floor.
“Nasunog ‘yung pinaka-exhaust nila. Chinecheck pa namin kung ano talaga ‘yung puwede. Baka mga mantika na naipon sa exhaust ‘yung pinagsimulan. Puwedeng ganun,” saad ni QC Fire District Director Sr. Supt. Gary Alto.
Sinubukan ng BFP na basagin ang ilang bintana ngunit hindi ito sapat para kumawala ang usok. Gumamit na rin sila ng isang malaking exhaust pero hindi pa rin nito kinaya.
“Malakas ‘yung usok. Hindi lahat nakakaya ng exhaust na mailabas lahat sila then pumapasok doon sa ventilation, pumapasok sa sa mga kwarto,” dagdag ni Alto.
Gamit ang aerial ladder, isa-isang ibinababa ng mga fire marshal ang mga taong na-trap at nailigtas na umabot sa 49.
“Hindi namin malaman saan galing ‘yung sunog. Tumunog na lang ‘yung alarm namin dahil sa kapal ng usok. Di na rin kami makalabas kasi nga zero visibility na, ang kapal na agad noong usok. Naghanap kami ng ibang area na open air. Doon kami na-trap,” kuwento ng isang nasagip.
Idineklarang fireout ang sunog bandang 12:04 ng tanghali. Inaalam pa ng mga awtoridad ang pinagmulan ng apoy at halaga ng naging pinsala nito.--Sundy Mae Locus/FRJ, GMA News