Kagimbal-gimbal ang ginawang pag-atake ng isang sinibak na pulis— na armado ng baril at patalim— sa isang nursery center sa Thailand kung saan 30 katao ang kaniyang pinaslang, kabilang ang 23 bata na nasa edad dalawa at tatlo.
Ayon sa ulat ng Agence France-Presse, kinilala ng pulisya ang suspek na si Panya Khamrab, dating pulis na may ranggong lieutenant colonel. Sinibak siya sa serbisyo noong nakaraang taon dahil sa paggamit ng ilegal na droga.
Sinabi ni Police colonel Jakkapat Vijitraithaya, mula sa Nong Bua Lam Phu, kung saan nangyari ang karumal-dumal na krimen, armado ang suspek ng isang shotgun, isang pistola at patalim, nang sumugod at mamamaril sa nursery center.
Tumakas siya matapos gawin ang krimen. Kinalaunan ay pinaslang din niya ang kaniyang pamilya at ang sarili.
"The death toll from the shooting incident... is at least 30 people," sabi ni Anucha Burapachaisri, spokesman ng Thai prime minister's office.
Kamakailan lang, isang army officer ang bumaril at nakapatay ng dalawa niyang kapuwa sundalo sa isang military training base sa Bangkok.— AFP/FRJ, GMA News