Nahuli sa CCTV ang malapitang pagbaril sa isang lalaki sa Las Piñas City nitong Miyerkules ng hapon.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Huwebes, sinabi ng mga pulis na may warrant of arrest ang biktima dahil sa pagkakasangkot sa iligal na droga.

Batay sa exclusive report ni Nico Waje,  mag-a-ala una ng hapon kahapon nangyari ang pamamaril.

Makikita sa CCTV ang pagdating ng isang lalaking naka-jacket sakay ng motorsiklo sa may F. Santos Street sa Barangay Zapote.

Dumating naman ang isa pang lalaking sakay din ng motorsiklo, ilang minuto lang ang nakalipas mula ng pagdating ng naunang lalaki at huminto siya sa harap ng isang bahay.

Mayamaya pa'y lumapit sa likuran niya ang naunang dumating na naka-jacket na lalaki. Ilang minuto din umanong nag-usap ang dalawa.

Matapos ang pag-uusap, biglang bumaba ang naka-jacket na rider, bumunot ng baril at biglang pinaputukan ng malapitan ang biktima sa likod ng kanyang ulo.

Agad na bumulagta sa kalsada ang biktima, at dali-daling tumakas ang gunman.

Kinilala ang biktima na si Noel de Guzman, na ayon sa mga pulis ay may warrant of arrest dahil sa pagkasangkot sa iligal na droga.

Dagdag ng mga pulis, may nakuha umanong isang sachet ng shabu sa crime scene.

Inamin ng ina ng biktima na dati raw talagang nasangkot sa iligal na droga ang kanyang anak, pero nagbagong-buhay na umano ito.

Pinaghahanap na ng mga pulis ang salarin. —LBG, GMA News