Matapos ang ilang buwang pagtatago, nahuli na sa Binangonan, Rizal ang babae na nagpapanggap na kasambahay para pagnakawan umano ang mga pinapasukan niyang amo sa Metro Manila at iba pang probinsya.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "Saksi" nitong Biyernes, sinabing dinakip ng mga tauhan ng Regional Special Operations Unit ng Police Regional Office 4A ang suspek na kinilalang si Gina Rose Ballad.
Sinabi ng PRO 4A na agad silang nag-deploy ng team matapos makatanggap ng impormasyon tungkol sa kinaroroonan ng suspek.
Sinabi ni Police Lieutenant Colonel Eunice de Guzman, spokesperson ng PNP PRO 4A, marami nang nabiktima si Ballad mula sa Cavite at NCR.
Ibinalita ng GMA News noong Pebrero ang pamamasukan ng isang babae bilang kasambahay sa isang bahay sa Novaliches, Quezon City.
BASAHIN: Wanted' na kasambahay, may iba na palang nabiktima
Matapos nito, tinangay din niya ang mga gamit at pera ng kaniyang amo.
Hulyo naman nang limasin niya ang aabot sa P1 milyong halaga ng gamit sa kaniyang amo sa Dagupan City.
Matapos maipalabas sa GMA News, nagtungo sa NBI si Caren Tevanny dahil namukhaan niya ang suspek na nasa video, na nambiktima sa kaniya noon pang nakaraang taon.
Nagpasalamat sa mga awtoridad ang mga nabiktima ng suspek sa pagkakahuli ni Ballad.
Aminado naman si Ballad sa kaniyang kasalanan at humingi siya ng patawad.
Hinikayat ni de Guzman ang iba pang nabiktima ng suspek na makipag-ugnayan sa RSOU ng PRO 4A para sa mga karagdagang kaso na maaaring isampa laban sa kaniya.--Jamil Santos/FRJ GMA News