Dinakip ang isang lalaking isa sa most wanted ng Navotas Police matapos niyang mapatay umano sa pamamaril ang kaniyang katrabaho na tinangay at ginastos ang kaniyang sweldo. 

Sa ulat ng “Unang Balita” nitong Miyerkoles, kinilala ang suspek na si Jomar Pilapil, na miyembro umano ng Zaragosa Drug Group.

Nangyari ang pamamaril ni Pilapil sa kaniyang katrabaho noong Hunyo.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, tinangay at ginastos umano ng biktima ang sweldo ni Pilapil kaya niya ito napatay.

Nasa piitan na si Pilapil sa Navotas Police headquarters.

"Nagawa ko lang po 'yun dahil sa tinakas niya nga po 'yung sahod namin. Tapos pinagbantaan niya pa po kasi ang buhay ko eh," anang suspek.

"Bago mo sana ginawa 'yon inisip mo muna. Hindi 'yung ganiyan, pumatay ka ng tao," sabi ni Peresita Sabanal, ina ng biktima.

"'Yun lang po ang masasabi ko, patawarin niyo na lang po," sabi ni Pilapil. — Jamil Santos/VBL, GMA News