Isiniwalat ni Ombudsman Samuel Martires sa Senate Committee on Finance na mayroong isang security guard sa gobyerno na may pera sa bangko sa umaabot sa P280 milyon. Bukod pa rito ang pera ng kaniyang misis na P179 milyon naman.

Ginawa ni Martires ang pagsisiwalat sa pagdalo niya sa pagdinig ng komite nitong Martes, kaugnay sa P4.781-bilyon na budget na hinihingi niya sa para ahensiya sa 2023.

Nabanggit ni Martires ang kuwento tungkol sa naturang multi-milyonaryong sekyu nang mapag-usapan ang tungkol sa usapin ng katiwalian sa gobyerno.

“Kayo po ba ay maniniwala na merong isang empleyado na ang kaniyang item ay security guard. At ang kaniyang deposito sa bank ay P280 million for the past 21 years,” sabi ni Martires sa mga senador na miyembro ng komite.

“At ang kanyang asawa for the past eight years o may deposito sa bank na P179 million? Security guard lang po ‘yung asawa,” dagdag niya.

Nang tanungin kung saang ahensiya ng gobyerno nakatalaga ang security guard, sinabi ni Martires na ihahain pa lang nila ang kaso rito sa Sandiganbayan.

Inaprubahan naman ng komite at inirekomenda na talakayin sa plenaryo ang hinihinging pondo ng Ombudsman. —FRJ, GMA News