Sinalakay ng mga awtoridad ang isang apartment na ginawa umanong sex den sa Paranaque City. Nadakip ang dalawang Chinese nationals na umano'y "handler" ng sex trafficking group.
Ayon sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing isinagawa ang pagsalakay sa Barangay Tambo, kung saan naaresto sina Wei Du at Zeng Fang.
Nasagip naman ang 24 na babaeng Chinese at Vietnamese.
Ayon kay Paranaque Chief of Police Col. Rene Ocampo, nakatanggap sila ng impormasyon tungkol sa kahina-hinalang aktibidad sa apartment dahil mga dumarating at umaalis na mga dayuhan.
Batay umano sa kuwento ng mga nasagip na babaeng dayuhan, pinangakuan daw sila na disenteng trabaho sa Pilipinas. Pero pagdating sa bansa, ginawa raw silang sex workers.
Umaabot umano sa P100,000 hanggang P150,000 ang ibinabayad sa sindikato para sa bawat babae na inaabuso sa lugar o inihahatid sa lugar ng parokyano.
Sa messaging applications umano nangyayari ang transaksyon.
Makikipag-ugnayan naman ang pulisya sa Bureau of Immigration para alamin kung may legal na dokumento ang mga suspek at ang mga nasagip na babae.
Isasailalim naman sa technical investigation ng Anti-Cybercrime Group ang nakuhang cellphone sa handler ng sindikato.--FRJ, GMA News