Dumausdos ng walong baytang at pumuwesto sa pang-41 ang Gilas Pilipinas sa pinakabagong FIBA world rankings sa kabila ng ingay na nilikha sa nagdaan nitong mga laban.
Hawak dati ng Philippine national baskeball team ang pang-33 puwesto sa ranking. Ngayon, naungusan sila ng mga karibal na koponan sa Asya na South Korea (no. 34) at Japan (no. 38).
Nangyari iyan kahit pa dumausdos ng limang baytang ang S.Korea, at isang baytang ang Japan.
Ang pagbaba ng Pilipinas sa world ranking ay bunsod ng hindi magandang kampanya na ipinamalas ng Gilas sa 2022 FIBA Asia Cup.
Nasa ika-siyam na puwesto lang ang Pilipinas, ang pinakamalalang pagtatapos ng bansa sa naturang regional tournament mula noong 2007, kung saan nakuha rin ng bansa ang nasabing posisyon.
Kamakailan lang, yumuko ang Gilas sa fourth window ng FIBA World Cup Asian Qualifiers sa Lebanon, kahit pa naging resbak ng koponan ang Fil-Am NBA star na si Jordan Clarkson.
Nakabawi naman ang Gilas sa koponan ng Saudi Arabia sa kanilang pagtutuos sa Mall of Asia Arena.
Nangunguna pa rin sa world ranking ang Team USA, na sinundan ng Spain, Australia, Argentina, at France. —FRJ, GMA News