Hinirang ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. si dating Supreme Court (SC) Chief Justice Lucas Bersamin bilang bagong executive secretary.
Ayon kay Press Secretary Trixie Cruz-Angeles, nanumpa ngayong Martes kay Marcos si Bersamin.
Idinagdag ni Cruz-Angeles, na batay sa tiwala ang desisyon ni Marcos na kunin bilang bagong executive secretary ang dating punong mahistrado.
Pinalitan ni Bersamin sa naturang puwesto si Atty. Vic Rodriguez, na nagbitiw bilang executive secretary noong Sept. 17.
Itinalaga naman si Rodriguez bilang Presidential Chief of Staff ni Marcos.
"Sinasabi ng ating Pangulo he is well qualified to be the executive secretary. Having put in so many years in the judiciary, he has the necessary legal background and the ability to deal with paper work," ayon kay Cruz-Angeles.
"Plus of course he is trusted and well-qualified of this," dagdag niya.
Sa panahon ni Bersamin sa SC, kabilang siya sa mga mahistrado na bumoto pabor na mailibing si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., sa Libingan ng mga Bayani.
Kabilang din si Bersamin sa mga bumoto na nagdedeklara sa Priority Development Assistance Fund o pork barrel na "unconstitutional."
Nagtapos si Bersamin sa University of the East College of Law, at itinalagang Quezon City regional trial court judge noong 1986.
Taong 2003 nang mahirang siya sa Court of Appeals, at napunta sa Supreme Court noong 2009 na panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. —FRJ, GMA News