Sa murang edad na 11-anyos, magiging ina na ang isang babae sa Agusan del Sur. Ang ama ng kaniyang magiging anak, ang pinsan niyang 13-anyos na pumupunta sa kanilang bahay.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” sinabi ng batang itinago sa pangalang “Bella,” na nagsimulang lumaki ang kaniyang tiyan noong nakaraang Disyembre.
Inakala ni Bella na baka maysakit lang siya.
“Nagtataka ako noon na kung ba’t hindi na ako nireregla,” ani Bella. “Masakit dibdib ko. Sumasakit ulo, tiyan ko, at palagi na lang akong nagsusuka kapag nakakaamoy ako ng matapang.”
Kaya dinala siya sa albularyo ng kaniyang mga magulang na sina "Ramon" at "Sarah," hindi rin nila tunay na pangalan.
“Nagtataka ako dahil mayroong gumagalaw sa loob,” patuloy ni Bella. “Pinabili sila Mama ng capsule at pinainom sa akin. Apat na beses ko po ‘yon nainom. Para daw lumiit ang bukol sa tiyan.”
Pero nagpatuloy sa paglaki ang tiyan ng bata kaya dinala na si Bella sa birthing clinic. Doon na nalaman na limang buwan na ang sanggol sa kaniyang sinapupunan.
“Nagtaka ako. Hindi ko alam na buntis pala ako. Humagulgol ako ng iyak dahil hindi ko matanggap,” pahayag niya.
Pangalawa sa apat na magkakapatid si Bella. Kapag walang tao sa kanilang bahay, nagpupunta roon ang 13-anyos niyang pinsan na si "Julius,” hindi niya tunay na pangalan.
Tatlong bahay lang ang layo ng bahay ni Julius kina Bella.
“Noong September, parati siyang pupunta rito sa bahay. Wala pong mga tao dito. Umalis sila,” kuwento ni Bella. “Apat na beses niya akong ginalaw. Natakot po ako. Hindi po ako nagsumbong.”
Pinagsisisihan ni Julius ang ginawa niya sa kaniyang pinsan.
“Ang naalala ko, kami lang dalawa nagkukwentuhan tapos do’n na nangyari. Mga barkada ko po kasi, nanonood sila ng mga malalaswang mga video sa cellphone. Na-curious lang ako,” sabi niya.
“Nahihiya ako,” dagdag ni Julius. “Nagsisisi ako na ginawa ko. Hindi pa po ako handang maging batang ama kasi gusto ko pa ma-explore ang labas at makahanap ng trabaho, matulungan sila Mama’t Papa.”
Masama man ang loob, nakipagkasundo ang pamilya ni Bella na ang pamilya ni Julius ang sasagot sa mga gastusin sa panganganak ni Bella.
Hanggang sa nagsilang na nga ng sanggol na lalaki si Bella. At sa kabila ng mga nangyari, nais ni Bella na maging isang mabuting ina.
Nais din niyang ipagpapatuloy ang kaniyang pag-aaral upang makatulong pa rin sa kaniyang mga magulang at mabigyan ng magandang buhay ang kaniyang anak.
Noong 2021, idineklara na national priority ang teenage pregnancy. Noong 2018, pang-walo ang CARAGA region sa mga lugar na mayroong mataas na bilang ng mga menor de edad na ina, batay sa National Demographic and Health Survey.
Ayon sa Women’s Network for Reproductive Rights, noong 2019, nasa 500 sanggol ang isinisilang araw-araw ng mga ina na nasa edad 10 hanggang 19.
"A significant percentage nung mga kabataan na ‘yan ay yung first sexual experience nila’y ‘di planado and also even a result of coercion and even rape,” sabi ni Cristelyn Sibugon ng Women’s Network for Reproductive Rights.
Bukod sa edukasyon at access sa contraceptives, sinabi ng mga opisyal na dapat suriin ang pagkakalantad ng mga kabataan sa social media, lalo na sa mga mahahalay na content.
Sinabi ng child behavior specialist na si Raul Gaña, na mahalaga na mapag-usapan sa pamilya ang tungkol sa sex.
“Bakit? Kasi kinakailangan ito para ‘yung ating anak ay sa atin magtanong ng mga bagay tungkol sa sex at hindi sa mga kaibigan,” paliwanag niya.
“Teenage pregnancy is not a personal concern or just a domestic concern. This is the concert of the entire society,” ayon kay POPCOM (Commission on Population and Development ) CARAGA’s Director Alexander Makinano.--FRJ, GMA News