Arestado ang isang 23-anyos na lalaki matapos mahuling nagnakaw ng isang motorsiklo sa Barangay Payatas, Quezon City.
Ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Lunes, nagising ang may-ari ng motorsiklo matapos umanong makarinig ng tunog na may nagpaandar nito.
“Nagulat na lang po ako na wala na po ‘yung motor doon sa harapan ng bahay namin and then nung nakita ko po ‘yun, pinapaandar na nung nagnakaw,” saad ng may-ari.
Laking gulat niya nang makitang kaibigan ng kaniyang bunsong kapatid ang suspek na kinilalang si JR Manangkil.
Aniya, nakulong na si Manangkil limang taon na ang nakalilipas at inakala nilang nagbago na ito nang bumalik, kung kaya’t nakampante sila na hindi na magnanakaw pang muli.
Agad namang umaksyon ang Quezon City Police Department ng follow-up operations at kinumpirmang minsan nang nakulong ang suspek sa City Jail dahil sa kasong pagnanakaw.
“Sa tulong po ng ating confidential informant ay mabilis nating natunton ang kinaroroonan nitong ating suspek at agad din nating nahuli ito,” ani Police Station commander Police Lieutenant Colonel Roldante Sarmiento.
Nakuhanan ng isang kalibre-22 na baril na kargado ng mga bala si Manangkil nang siya’y mahuli.
Depensa ng suspek, nagawa niya ang krimen dahil sa hirap ng buhay.
“‘Di po ako makahanap ng trabaho,” dagdag pa niya.
Nabawi naman ng may-ari ang kaniyang motorsiklo ngunit pinalitan na ni Manangkil ang kulay nito at wala na ang mga side mirror.
Nahaharap sa kasong paglabag sa New Anti-Carnapping Law at Illegal Possession of Firearms ang suspek. — Alzel Laguardia/RSJ, GMA News