Sinampahan na ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at Philippine National Police (PNP) ng reklamong kriminal ang isang social media influencer at apat na Tiktoker na nag-post ng video na nagpapakita na sinira umano at ginawang pamunas ng sapatos ang perang papel ng Pilipinas.

Sa pahayag, sinabi ng BSP na isinampa ng kanilang Payments and Currency Investigation Group at PNP Quezon City Police District-Anti-Cybercrime Team, ang reklamo laban sa limang katao sa Quezon City Prosecutor’s Office.

Sa nakaraang ulat ni John Consulta sa GMA News “24 Oras,” ipinakita ang mga video ng influencer at mga Tiktoker na inireklamo.

Ang social media influencer, binutas umano ballpen ang isang 20-peso bill habang nagpapakita ng magic trick. May isang lalaki naman na ginawang embudo sa motorsiklo ng 50-peso bill para maglagay ng langis.

Ipinakita rin ang video ng isang lalaki na ipinamunas sa sapatos ang 500-peso bills at itinapon. Habang may nag-staple ng 100-peso bill sa plastic basketball rim.

Ayon sa BSP, kinasuhan ang lima dahil sa paglabag sa Presidential Decree (PD) No. 247, kaugnay ng  Article 154 ng Revised Penal Code (RPC), as amended, at Republic Act (R.A.) No. 10175 o ang Cybercrime Prevention Act.

Ang mga mapatutunayang lumabag sa PD No. 247 dahil sa "willful defacement, mutilation, tearing, burning, or destruction of Philippine currency" ay maaaring makulong ng hanggang limang taon at multa na hindi hihigit sa P20,000.00.

Pinayuhan ng BSP ang publiko na ingatan ang Philippine banknotes at coins, "with due respect and dignity, and to protect their integrity as part of the country’s rich culture and heritage."—FRJ, GMA News