Pumanaw na ang Reyna ng Britanya na si Queen Elizabeth II sa edad na 96. Ang panganay niyang anak na si Prince Charles ang magiging bagong hari, na tatawaging si King Charles III.
"The Queen died peacefully at Balmoral this afternoon," saad ng Buckingham Palace sa isang pahayag, na makikita sa GMA News Feed.
Si Queen Elizabeth II ang pinakamatagal na nanungkulang monarch ng Britanya, na naupo sa trono sa loob ng pitong dekada.
Inanunsyo noong nakaraang taon na may iniindang problema sa kalusugan si Queen Elizabeth, na inilarawan ng Buckingham Palace bilang "episodic mobility problems" o hirap sa pagkilos.
Sumugod sa Balmoral Castle ang mga anak ni Queen Elizabeth II nitong Huwebes, Setyembre 8, kabilang ang tagapagmana ng trono na si Prince Charles at panganay nitong anak na si Prince William.
Ilang oras matapos ang pagbisita, inanunsyo ng Buckingham Palace na pumanaw na ang reyna.
Isinilang noong Abril 21, 1926, 25-anyos lamang si Queen Elizabeth II nang maging reyna noong 1952.
Sa ilalim ng kaniyang panunungkulan, nakatrabaho ni Queen Elizabeth II ang 14 punong ministro.
Itinalaga pa niya ang ika-15 punong ministro sa kaniyang panunungkulan bago mamaalam.
Ipinagdiwang ni Queen Elizabeth II ang kaniyang ika-70 taon sa trono nitong Hunyo 2022.
Pero sumunod nito, huminto na ang reyna sa kaniyang mga tungkulin dahil sa kondisyon sa kalusugan.
Patuloy na bumubuhos ang pakikiramay sa royal family.
Nagbigay din ng tribute ang lider ng iba't ibang bansa kabilang ang France, New Zealand, Amerika at Canada.
King Charles III
Ang panganay na anak ni Queen Elizabeth na si Prince Charles ang bagong hari ng Britain, na tatawaging si King Charles III.
Sa edad 73-anyos, siya ang magsisilbing head of state at pangungunahan ang 14 teritoryo ng Britain. Ang asawa niyang si Camilla ang magiging Queen Consort.
Sa isang pahayag, sinabi ni King Charles III na pinakamalungkot na yugto ng kaniyang buhay ang pagpanaw ng kaniyang inang si Elizabeth II.
"We mourn profundly the passing of a cherished Sovereign and a much-loved mother. I know her loss will be deeply felt throughout the country, the Realms and the Commonwealth, and by countless people around the world," ani King Charles III.
Ipinanganak si King Charles III noong 1948 at opisyal na naging tagapagmana ng trono sa edad na 3-anyos.
Edad 20-anyos si King Charles III nang kilalaning Prince of Wales.
Bilang bahagi ng tradisyon ng pamilya, sumailalim si King Charles III sa military training sa loob ng limang taon.
Pinakasalan niya si Lady Diana Spencer, at nagkaroon ng dalawang anak na sina Prince William at Prince Harry.
Naghiwalay sila kalaunan, at pumanaw si Diana isang taon matapos ang kanilang diborsyo.
Kikilalanin namang Duke of Cornwall si Prince William, na susunod na tagapagmana ng trono. Ang asawa niyang si Kate ay kikilalaning Duchess of Cornwall.
Matatandaan namang tinalikuran na ni Prince Harry ang pagiging royalty matapos pakasalan ang aktres na si Meghan Markle.
Napaulat din ang alitan sa pagitan ni Harry at ng kaniyang pamilya. —LBG, GMA News