Dalawang tulak umano ng ilegal droga at dalawa nilang parokyano ang arestado sa buy-bust operation na isinagawa ng mga awtoridad sa isang bahay na umano'y pagawaan ng sirang gadgets sa Payatas, Quezon City.
Sa ulat ni James Agustin sa GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, kinilala ang mga target ng operasyon na sina Allan Gonzaga, umano'y tulak, at kasabwat nitong si Ronnie Vitales.
Isinagawa ang buy-bust operation nitong Miyerkoles ng gabi, at kasamang nahuli ang mga parokyano na sina Joshue Loreto at Richie Araza.
Nakuha sa kanila ang ilang sachet na hinihinalang shabu ang laman at nagkakahalaga ng mahigit P20,000.
Sinabi ni Payatas Bagong Silangan Police Station Commander Police Liutenant Colonel Roldante Sarmiento, na marami at iba't ibang tao ang pumupunta sa naturang bahay.
Posible umanong doon na rin gumagamit ng ilegal na droga ang mga parokyano ng suspek.
Pero itinanggi nina Gonzaga at Vitalez na nagbebenta sila ng droga.
"Aminado akong gumagamit [ako]. Pero sa pagbebenta, hindi ako nagbebenta," sabi ni Gonzaga.
"Pag gumagawa ng mga gadget, minsan gumagamit na rin," sabi naman ni Vitales.
Umamin ang dalawang parokyano na ginagawa nilang puwestuhan ng mga gustong gumamit ang bahay.
"Pagkagaling sa trabaho pumupunta ako roon. Mag-uusap kami, share-share," sabi ni Araza.
Mahaharap ang apat sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.--Jamil Santos/FRJ, GMA News