Inihayag ng media companies na ABS-CBN Corp. at TV5 Network Inc., na hindi na itutuloy ang plano nilang investment deal.
Sa disclosure sa Philippine Stock Exchange nitong Huwebes, sinabi ng ABS-CBN na sumang-ayon ito sa TV5 na, “to terminate the Investment Agreement dated 10 August 2022 covering the proposed acquisition by ABS-CBN of 34.99% equity interest in TV5 and the Convertible Note Agreement dated 10 August 2022 covering the proposed subscription by ABS-CBN to a Convertible Note to be issued by TV5.”
Inihayag din na ang hindi na pagtuloy ng kasunduan ay nakasaad sin sa isang Memorandum of Agreement.
“The Parties confirmed that they have not implemented any of the transactions covered by the Investment Agreement and the Convertible Note Agreement,” ayon sa ABS-CBN.
Ginawa ang anunsiyo isang linggo makaraang ihayag ng dalawang kompanya na pansamantala nilang itinigil ang planong investment deal para tugunan ang ilang usapin na inilahad ng ilang mambabatas at National Telecommunications Commission (NTC), tungkol dito.
Mayo 2020 nang hindi na inaprubahan ng Kamara de Representantes ang prangkisa ng ABS-CBN at matigil ang kanilang operasyon.
Nitong nakaraang Agosto, ibinalita ng ABS-CBN at TV5 ang kanilang investment agreement. Nakapaloob dito ang pagkuha ng ABS-CBN ng 6,459,393 primary (new) common shares ng TV5, "representing 34.99% of the total voting and outstanding capital stock of TV5 for an aggregate subscription price of P2.16 billion."
Kasama sa hindi natuloy ang planong pagkuha sana ng Cignal Cable ng 38.88% equity interest sa Sky Cable Corp.
Una rito, ilang mambabatas ang naghain ng resolusyon na humihiling na silipin ang naturang planong investment deal ng dalawang kompanya, at alamin kung may batas na nalalabag sa kasunduan.—FRJ, GMA News