Hindi na tatanggap ng "walk-in" ang Department of Social Welfare and Development sa susunod na pamamahagi ng tulong pinansiyal para sa mga mahihirap na mag-aaral.
“No. Kasi 'pag nag-walk in po magkakaproblema na naman po tayo. ‘Yun po ang mahigpit na instruction, this will be the difference,” sabi ni DSWD Secretary Erwin Tulfo sa press conference nitong Miyerkules nang tanungin kung tatanggapin pa ang mga walk-in na nais makakuha ng educational assistance.
Ayon kay Tulfo, ang mga nais makatanggap ng naturang programa ay maaaring magrehistro online o mag-email sa ciu.co@dswd.gov.ph.
Maaari ding bisitahin ang DSWD website at kanilang social media accounts para sa detalye.
“Aside from online, puwedeng QR code, puwedeng text kung hindi smartphone ang gamit nila, sasagutin naman namin. There is no more reason na sabihin nilang wala kaming cellphone. Tapos ‘yung mga anak nila nag-online naman last year, e di magpaturo po sila sa anak nila o ‘yung anak nila ang magregister. Madali lang po kaming hanapin, pupunta lang po sa website ng DSWD at d'un nila makikita ‘yun,” pagtiyak ng kalihim.
Itinuturing ni Tulfo na "blessing in disguise" ang naranasan umanong glitch sa payout system noong nakaraang Sabado kung saan maraming tao ang dumagsa sa mga tanggapan ng DSWD para makahingi ng tulong pinansiyal.
“I think this is a blessing in disguise kasi ang gusto ni President Ferdinand Marcos Jr. digitalize ang gobyerno, ang transaction ng mga kababayan natin ay digital, digitalization po kaya we have to start it now, dito mag-uumpisa,” paliwanag niya.
Sinabi rin ng kalihim na ang mga aplikante na nagparehistro ay makatatanggap text message mula sa DSWD para ipaalam kung kailan sila pupunta sa payout sites na tutukuyin ng local government units.
Alphabetical order umano na tatawagan ang mga benepisyado.
"Pipiliin namin alphabetical, siguro this coming Saturday 'yung mga apelyido na nagsisimula sa letrang A hanggang F so 'yun muna ang ia-accommodate natin for this coming Saturday, nationwide 'yun," ani Tulfo.
Nauna nang sinabi ni Tulfo na hindi na rin kasali sa programa ng educational assistance ang mga bahagi na ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.—FRJ, GMA News